Paghuli ng LTFRB sa mga kolorum na TNVS, muling iuurong

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 10:32 PM

Muling iniurong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang panghuhuli na nakatakda sanang magsimula sa Sabado, Setyembre 1, 2018, sa mga kolorum na Transport Network Vehicle Service (TNVS). 

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, hindi pa nila alam kung kailan nila ikakasa ang nasabing panghuhuli sa mga TNVS na walang permit dahil hindi pa raw sapat ang bilang ng mga aktibong TNVS na mayroon nito. 

Sa naunang anunsiyo ng LTFRB, may hanggang Agosto 31 lang ang mga operator at sasakyan ng mga TNVS na kabilang sa master list na makakuha ng kanilang provisional authority.

Inamin din ng LTFRB na gumawa lang sila ng deadline para mas mapabilis ang pagkuha ng permit ng mga TNVS na wala pang prangkisa. 
 
“We have come up with that announcement to compel them to apply otherwise hahabulin natin by the way of anti-colorum drive. Epektibo naman ang anunsiyo namin dahil tumaas naman 'yung number of appilcations that we are receiving," ani Delgra. 

Sa ngayon, 20,000 ang bilang ng mga TNVS franchise holders na may permit, malayo sa 65,000 kasalukuyang pinapayagan ng LTFRB. 

Mula sa 55,000 TNVS, nagdagdag ng 10,000 pang slots ang LTFRB para irehistro ang mga prangkisang wala sa master list nila. 

Giit ng board, kaya nilang magproseso ng 500 aplikasyon ng TNVS kada araw at mag-isyu ng permit sa loob ng 20 araw basta kompleto ang naibibigay nilang dokumento sa LTFRB. 

Nagsimula na ring tumanggap ang LTFRB board ng online registration ng TNVS applications para sa bagong certificate of public convenience. 

Aminado ang TNVS service na Grab na walang permit ang ilan sa 42,000 nilang prangkisa. 

Bukod pa rito, anila, nabawasan daw ang bilang ng mga aktibong drayber dulot umano ng pagsuspende ng P2 kada minuto na charge sa kanilang singil. 

“Maybe around half of that do not have cases. So ito 'yung mga kailangan mag-apply, they really need all their requirements together,” ani Grab public affairs head Leo Gonzales. 

Dahil dito muling nanawagan ang Grab na ibalik ang kanilang P2 kada minuto na charge. 

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.