Magkapatid na dawit sa pagbebenta ng myna, huli

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 06:24 PM | Updated as of Aug 30 2018 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto sa Pasay ang magkapatid na lalaki dahil sa pagbebenta umano ng mga ibong myna, sabi noong Miyerkoles ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hinuli noong Lunes ng NBI Environmental Crime Division sina Michael at Allan Pamintuan matapos umano nilang bentahan ang isang operatiba na nagpanggap na bibili ng myna, isang endangered species o uri ng hayop na nanganganib nang maubos. 

Dinala rin ng dalawang suspek ang mga tauhan ng NBI at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isang bahay sa Pasay kung saan nasagip ang higit 20 myna.

Noong una ay nasa 200 umano ang dumating na myna sa Maynila pero mabilis daw itong naibenta.

Nakuha rin ng NBI ang ilang sugar glider, na may hawig sa flying squirrel o lumilipad na ardilya. 

Ayon kay NBI Environmental Crime Division chief Eric Nuqui, online ang paraan ng pagbebenta ng magkapatid.

Inamin naman ng magkapatid na Pamintuan na malaki ang kinikita nila sa pagbebenta ng mga myna at iba pang hayop.

Kinasuhan ang dalawa ng paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act, kung saan maaari silang mabilanggo ng anim hanggang walong taon.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.