BJMP officer nahuling gumagamit ng droga sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 07:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

CAVITE - Inaresto ang isang kasapi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos mahuling gumagamit ng droga sa loob na kaniyang bahay sa Tanza, Cavite Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Senior Jail Officer Melandro Lee na nakatalaga sa Tanza Municipal Jail.

Kasama rin sa mga naaktuhan ng mga pulis ay ang kinakasama ni Lee at 2 iba pa.

Narekober sa bahay ni Lee sa Barangay Bagtas ang isang sachet ng hinihinalang shabu, mga pakete na may residue ng droga, mga drug paraphernalia, at isang kalibre .45 na baril.

Ayon kay Chief Inspector Dhefry Punzalan ng Tanza police, nakatanggap sila ng reklamo na sangkot umano sa ilegal na gawain si Lee.

"Hindi tayo papayag lalo na ‘yung mga kasamahan natin sa serbisyo ay masasangkot sa ilegal na droga," aniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga hinuli.

Samantala, kalaboso ang 2 lalaki sa magkahiwalay na buy-bust operation sa General Trias, Cavite.

Nakumpiska sa kanila ang P260,000 halaga ng shabu.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.