2 'holdaper' na nagtangkang gahasain ang biktima, patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 04:58 AM | Updated as of Aug 30 2018 06:30 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Napatay ng mga pulis sa engkuwentro sa Payatas Road, Quezon City ang 2 lalaking nangholdap at nagtangka pang halayin umano ang kanilang biktima.

Inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga namatay.

Ayon kay Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station, nakatanggap sila ng tawag ukol sa insidente ng panghoholdap.

Nakasalubong ng mga pulis ang babaeng biktima na tumatakbo sa may Payatas Road.

Kuwento ng biktima, naglalakad lang siya sa Majaas St. matapos magdiwang ng kaniyang birthday nang dukutin ng mga salarin.

"Inikutan po nila ako tapos tinutukan ako ng baril tapos tinakpan nila bibig ko na 'wag na magsalita," aniya.

Dinala siya ng mga ito sa masukal na bahagi at pinagtangkaang gahasain.

Nang maispatan ng mga pulis, nakipagbarilan umano ang mga lalaki na dahilan sa kanilang pagkamatay. - Ulat nina Isay Reyes at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.