Snatcher ng cellphone arestado sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 04:14 AM

MAYNILA—Arestado ang isang binatilyo na nanghablot umano ng cellphone ng isang estudyante sa Santa Cruz, Maynila Miyerkoles ng gabi.

Kuwento ng biktima, sakay siya ng jeep galing sa eskuwelahan nang hablutin ang kaniyang cellphone ng 16 anyos na suspek.

"Nagte-text lang po ako... ta's hinablot cellphone ko. Ta's sumigaw akong magnanakaw paulit-ulit," aniya.

Sinubukan pa niyang habulin ang kawatan na nakasuot ng puting jacket. Dumating naman ang mga taga-barangay at nahuli ang suspek sa isang eskinita sa Anacleto St.

Ayon sa taga-Barangay 354, dayo ang binatilyo na naghubad pa ng jacket para hindi makilala.

Itinanggi ng suspek ang krimen, pero narekober sa kaniya ang ninakaw na cellphone.

Itu-turn over siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.