Sekyu arestado matapos kasahan ng baril ang traffic enforcer sa Makati

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 11:00 PM

MAYNILA - Arestado ang isang security guard matapos niyang kasahan ng baril ang isang traffic enforcer na sisita sa drayber ng kanilang armored van sa Makati Huwebes.

Sa report ni Police Major Gideon Ines ng Makati Police Investigation Branch, nangyari ang insidente sa kanto ng Ormaza at Dela Rosa Streets sa Barangay San Lorenzo.

Salaysay ni Makati Parking Authority (MAPA) traffic enforcer Erwin Ramos, bahagi ng kaniyang trabaho ang sitahin at paalisin ang mga sasakyang nakaparada na nagiging sagabal sa trapiko.

Kaya nang makita ang isang armored van na ilegal na nakaparada, nilapitan niya ito para sitahin ang drayber pero nilapitan umano siya ng guwardiya ng van at ikinasa ang bitbit nitong shotgun.

Napilitan si Ramos na magpasaklolo sa pulisya na siyang umaresto sa security guard.

Nakuhanan ng CCTV camera sa lugar ang insidente at ito umano ang gagamiting ebidensiya laban sa kaniya sa isasampang kasong grave threat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.