'Planong one-way na EDSA magpapalala lang ng trapiko': eksperto

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 06:32 PM

Nadismaya ang isang traffic analyst sa panukala ng isang grupo ng mga inhenyero na gawing one-way ang traffic scheme sa EDSA para maibsan ang trapiko rito. 

Ipinanukala nitong Miyerkoles ng GPI Engineers Inc. na buksan ang EDSA para sa mga sasakyang pa-southbound. Panukala rin nilang buksan ang C-5 road para sa mga daraan pa-northbound.

Pero para sa traffic analyst na si Engr. Rene Santiago, maaari pang lumala ang trapiko sa ipinapanukala. 

"Zombie idea eh. Kasi medyo pinalutang na 'yan 5 years ago and it was already dismissed at the time as ridiculous. Kung di man ridiculous 'yan, pwede na nating tawaging stupid idea eh," ani Santiago. 

Aniya, matagal nang ipinapanukala ito pero laging nababasura dahil hindi umano ito uubra. 

"Ngayon kung ang motibo ay ma-establish ang Guinness World Record for the worst traffic jam in the world, baka ho mag-succeed," dagdag ni Santiago, na nakipagtulungan sa gobyerno at sa Japan International Cooperation Agency para mabalangkas ang masterplan at road map ng Kamaynilaan noong dekada ’70. 

Para kay Santiago, dapat lang ayusin ng MMDA ang implementasyon ng yellow lane policy na ipinapatupad nila ngayon. Dapat daw kasing hindi kinukulong sa dalawang lane ang mga bus. 

Dapat din aniyang ilaan ang ikatlong lane para sa pag-oovertake ng bus. 

Pumalag naman si EDSA traffic chief Bong Nebrija at iginiit na sumusunod naman sa polisya ang mga bus. 

Nagiging problema lang aniya ito kapag nakipag-agawan ang mga pribadong sasakyan. 

Para kay Santiago, hindi agad-agad malulutas ang problema ng bansa pagdating sa trapiko lalo’t marami pa rin ang bumibili ng mga sarili nilang sasakyan na maaaring magpabigat pa ng trapiko sa EDSA. 

Tingin niya, aabutin pa ng 15 taon bago maayos ang trapiko sa Kamaynilaan. 

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.