Egyptian arestado sa pangingikil umano ng karelasyong Pinay

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 12:54 AM

MANILA - Isang Egyptian ang inaresto matapos umanong mangikil sa karelasyon nitong Pinay, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkoles.

Ayon sa NBI, inaresto nila si Amr Sayed Azab, na inireklamo ng pananakot at pangingikil sa Pinay, sa isang entrapment operation sa Roxas Boulevard, Manila.

Ayon sa hindi pinangalanang complainant, March 2017 nagsimula ang kanilang lihim na relasyon. Makalipas ang isang buwan, hinihingan na siya ng pera ni Azab kapalit ng hindi pagpapapalam nito sa kanyang pamilya.

Nitong Hulyo, pinilit umano ni Azab ang Pinay na gumamit ng shabu bago lihim na kinunan ito ng video para gamitin pang-blackmail kapalit ng pera, laptop, at kotse. 

Nang nagbanta si Azab na ipakakalat niya ito sa social media, dito na nagpasaklolo sa NBI ang biktima.

Nahaharap ang suspek sa kasong robbery at extortion at paglabag sa RA 9262 o Anti Violence against Women and Children Act. - Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.