Bantay Edukasyon: Mga kinupkop ng Children's Village hinahanapan ng scholarship

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 09:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinikap ng Children’s Village ng Bantay Bata 163 na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga nasasagip nitong bata sa pamamagitan ng Bantay Edukasyon.

Kabilang na rito ang apat na magkakapatid sa Quezon City na nawalan ng magulang na nag-aaruga. 

Hindi na bumalik pa ang ina ng 12 anyos na si Arnil Castillo noong Abril 2019. Namatay naman ang kaniyang ama noong Mayo. 

Walang naiwan na mag-aalaga sa kaniya at sa tatlo pa niyang kapatid kaya dinala sila ng barangay sa Quezon City Social Service Development Department at kalauna'y na-turn-over sa Children's Village ng Bantay Bata sa Bulacan.

Sa pagkaulila ng magulang at sa pagkupkop sa kanilang magkakapatid, hindi nawala sa isip ni Castillo ang kaniyang pag-aaral. 

"(Inisip ko) kung mag-aaral po ba ako dito o hindi… Kailangan ko pong mag-aral para po kapag nakapagtapos po ako, hahanapin po namin si Mama," ani Castillo, na naging aktibo rin sa mga gawain sa komunidad. 

Hinanapan si Castillo at 38 iba pang kabataan ng scholarship ng pamunuan ng Bantay Bata para maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral. 

Pinopondohan ng mga sponsor at donor ang pag-aaral sa kolehiyo ng mga kinupkop na bata. Sagot na rin ang matrikula, school supplies, at pang-araw-araw na baon nila. 

Tinutukan na rin ng mga social worker gaya ni LJ Lopez ang pagpapalaki sa mga bata para masegurong mapunan ang mga nawala sa kanilang pagkabata. 

"'Yung goal is para ma-restore yung social functioning nila na maibalik kung ano man 'yung natural na ginagawa ng bata, or dapat naiisip nila kung ano ang tama at mali," ani Lopez. 

Naniniwala ang yumaong pinuno ng ABS-CBN Foundation na si Gina Lopez na hanggang may nananatiling bukas-palad at sumusuporta, naitataguyod sa Bantay Bata ang kinabukasan ng maraming batang Pilipino. 

-- Ulat ni Jing Castañeda, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.