Health center sa San Juan, wala nang supply ng bakuna kontra rabies

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 03:28 PM

Wala nang supply ng bakuna laban sa rabies ang health center ng San Juan City.

Ayon kay Dra. Susan Colaoagan, medical rabbies coordinator ng animal bite treatment center ng lungsod, hanggang unang quarter lang ng taon ang supply ng bakuna na ipinamahagi sa kanila ng Department of Health (DOH).

Nagkaloob din aniya ang lokal na pamahalaan ng bakuna pero naubos na ang suplay noong nakaraang buwan.

Sa ngayon daw, inire-refer na lamang nila ang mga pasyente sa San Lazaro Hospital o sa mga pribadong pagamutan na may anti-bite treatment center.

Samantalang ang iba naman, bumibili ng sariling bakuna na nagkakahalaga ng P1,500 at sila naman sa health center ang nagtuturok nito.

Paalala ni Colaoagan, tanging mga eksperto at accredited doctors na tulad niya ang pinapayagan na magturok ng bakuna.

Patuloy pa rin nilang hinihintay ang suplay mula sa DOH, ngunit walang nakatakdang petsa kung kailan ito darating. —Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.