Binatilyong 'namingwit' ng laptop sa Las Piñas, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 04:45 AM | Updated as of Aug 28 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Naaresto ng mga awtoridad ang binatilyong tumangay ng laptop sa isang bahay sa Las Piñas City.

Disi-sais anyos ang suspek na out-of-school youth, ayon sa kaniyang mga magulang.

Ayon kay Police Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas City police, naging malaking tulong sa kanilang follow-up operation ang kuha mula sa closed-circuit television (CCTV) camera.

"Nung nai-print na 'yung pictures ng suspek, nung pinakita sa mga barangay, dun nakilala 'yung bata," aniya.

Nakuhanan ang suspek na pumasok sa gate ng bahay at tinangay ang laptop gamit ang pamingwit ng isda.

Inamin ng binatilyo na ibinigay niya ang laptop sa isang lalaking nagba-buy-and-sell ng mga gadget sa kanilang lugar.

Nabawi naman ito ng mga awtoridad at naisauli sa may-ari na isang IT programmer.

"Ang nakuha po kasi sa'kin 'yung pinakamahalaga is 'yung laptop," pahayag ng biktima.

Sasampahan ng kasong theft ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.