5 dawit sa operasyon ng 'loteng' timbog sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 02:40 PM | Updated as of Aug 28 2019 02:58 PM


MAYNILA — Limang tao ang inaresto ng pulisya noong Martes sa Makati City dahil sa umano'y pagkakadawit sa operasyon ng loteng, isang uri ng ilegal na sugal.

Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga suspek bilang sina Arnel Gutierrez, Herminio Vasquez, Erika Abenio, Jerome Romasanta at Rodel Gelig. 

Ikinasa ng Regional Special Operation Unit (RSOU) ng NCRPO ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon na may operasyon ng illegal numbers game sa isang bahay sa Progreso Street, Barangay Guadalupe Viejo.

Isang pulis ang nagpanggap na tataya sa laro. Nangyari umano ang kanilang transaksiyon sa eskinita sa tapat ng nasabing bahay.

Binigyan umano ng operatiba si Vasquez ng P100 saka sinulat ng suspek ang number combination sa kaniyang bet booklet at inabutan ng resibo ang operatiba.

Sinugod din ng mga operatiba ang bahay kung saan nahuli ang 4 pang suspek, sabi sa ulat.

Nakuha sa mga suspek ang mga record booklet, resibo sa mga taya, at perang pansugal.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga lalaking kinilalang sina Olan Santos at Toto Lacson, na umano ay mga tagapangasiwa ng loteng operation.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 na inemyendahan ng Republic Act No. 9287, na nagpaparusa sa loteng.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.