345 pamilya sa Region 3, apektado ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 03:46 PM | Updated as of Aug 29 2019 01:08 AM

MAYNILA (UPDATE) - Umabot na sa 345 ang bilang ng mga pamilya mula sa ilang mga lalawigan sa Region 3 ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Jenny.

Ayon kay Sally Fabrigar ng Office of Civil Defense sa Region 3, karamihan sa mga pamilya ay inilikas noong nagpatupad ng preemptive evacuation ang mga lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.

"Out of 345, 147 families or 532 persons are inside evacuation centers and 198 families o 642 persons are outside the evacuation centers," paglilinaw ni Fabrigar sa datos ng ahensiya.

Ang mga pamilya ay mula sa siyam na barangay sa probinsiya ng Aurora at limang barangay sa Zambales.

Samantala lubog pa rin sa baha ang tinatayang 24 mga barangay mula sa tatlong munisipyo sa Pampanga dala ng pananalasa ng bagyong Jenny.

Sabi ni Fabrigar, dalawang barangay ang binaha sa bayan ng Apalit, 7 sa Macabebe, at 15 naman sa Masantol.

Inalis na ng PAGASA ang lahat ng storm signals sa mga lalawigan habang patuloy na lumalayo sa bansa ang bagyong Jenny.

Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, namataan ang bagyong Jenny sa layong 510 kilometers west ng Dagupan City, Pangasinan.

Nakalabas na ng Philippine area of responsibility ang bagyo Miyerkoles ng hapon.

Muling nagpaalala si Fabrigar sa lahat ng tanggapan ng OCD sa mga lalawigan sa Region 3 na patuloy na maging alerto at regular pa ring mag-monitor at magbahagi ng updates at advisories mula sa PAGASA.

"Para ma-ensure natin na zero casualty tayo sa nararanasan nating weather disturbance," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.