Magkaibigang nanghuhuli ng gagamba patay sa pamamaril sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 11:21 AM | Updated as of Aug 28 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay sa San Pablo, Laguna ngayong Miyerkoles ang 2 lalaki na nanghuhuli ng gagamba matapos mapagkamalang mga police asset, ayon sa pulisya.

Natagpuan nitong umaga ng Miyerkoles ang bangkay ng tricycle driver na si Dave Christian Garcia, 25, at junkshop boy na si Jaymark Espregante, 20. May mga tama ng bala ng kalibre .45 ang magkaibigan.

Nagtungo umano sa gubat ang mga biktima nitong madaling araw ng Miyerkoles para manghuli ng gagamba na kanilang ibebenta para may pandagdag kita.

Posibleng napagkamalang police asset ang mga biktima na nanghuhuli ng gagamba malapit sa bahay ng isang bagong laya, na ngayo'y suspek na sa kaso, ayon kay Lt. Col. Eliso Bernales, hepe ng San Pablo police.

Nakulong ang suspek dahil sa kasong ilegal na droga at serye ng mga nakawan, ani Bernales.

Wala namang rekord ng kaso ang mga biktima.

May 16 anyos na lalaking kasama ang 2 biktima na pinagbantay nila ng traysikel sa may highway, na tinutukan din umano ng baril ng suspek. 

Subalit nakatakbo ang teenager at nakahingi ng tulong sa mga awtoridad.

Tinutugis na ng San Pablo police ang suspek na nahaharap sa kasong double murder. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.