Umano'y mastermind ng 'rent-tangay' modus, timbog muli sa estafa

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2018 04:39 PM

Naaresto ang utak umano ng modus na "rent-tangay" o "rent-sangla" na nakapambiktima ng daan-daang katao, sabi nitong Martes ng pulisya.

Sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong estafa, hinuli noong Sabado ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) si Rafaela Anunciacion sa San Pedro, Laguna.

Ayon kay HPG Director Roberto Fajardo, nahuli na noong nakaraang taon si Anunciacion dahil sa ibang kaso ng estafa subalit nakapagpiyansa at nagsimula na umanong magtago.

Mula noong 2017, umabot na sa 608 ang narekober na sasakyan ng HPG na sangkot sa modus.

May 514 na ang naibalik ng HPG sa kani-kanilang may-ari at nasa 94 pa ang nasa kustodiya nila dahil hindi pa kinukuha ng mga may-ari. Bukod pa rito ang 29 na nakuha ng HPG mula Enero hanggang Agosto nitong 2018.

Hinimok ni Fajardo ang iba pang nabiktima ni Anunciacion na magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Ayon kay Anunciacion, handa siyang harapin ang mga reklamo.

"Nandito ako para harapin ang lahat ng allegation sa akin," aniya.

Inirekomenda na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsampa ng kasong syndicated estafa laban kay Anunciacion para sa panghihikayat niya sa mga biktima na mag-invest o magpasok ng pera sa kaniyang gawa-gawang negosyong car rental.

Nagpaalala rin ang HPG sa mga may negosyong nagpapaarkila ng sasakyan na magsama ng driver o maglagay ng global positioning system (GPS) sa mga sasakyan para mabantayan kung itinatakas na ang mga ito. --Ulat nina Zhander Cayabyab at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.