2 Indian grocery store, sinalakay dahil sa 'opium sa gamot'

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2018 06:59 PM | Updated as of Aug 28 2018 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bisa ng isang warrant, sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) cybercrime division ang isang Indian grocery store sa Paco, Maynila dahil nakabibili umano dito ng gamot na may lamang opium, isang ipinagbabawal na droga.

"Base sa report from India, hinahalo ito sa grocery items para hindi ito ma-detect ng authorities," ani Atty. Jeremy Lotoc, NBI agent-on-case. 

Humarap sa mga agent ang may-ari ng Jashmeet Indian Grocery Store na si Manjit Singh pero agad siyang pinosasan nang madiskubreng may bitbit siyang baril. 

Pati sa kaniyang kaha, may isa pang nakitang baril ngunit wala siyang maipakitang mga permit.

Ayon sa mga awtoridad, Kamini Vidrawan Ras ang pangalan ng naturang gamot na galing pa sa India. 

Pati ang isa pang kalapit na grocery, may alok ding parehong gamot kaya't inaresto din ang may-ari nito.

Nakumpirma sa laboratory test ng NBI na may laman itong mga ipinagbabawal na droga pero patuloy ang pagdepensa ng isa sa mga suspek.

“This is safe, it is herbal medicine used for diabetes,” giit ni Singh.

May ilang bansa na ipinagbabawal din ang naturang gamot. 

Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa mga foreign counterpart nila kung paano ito nakapasok sa Pilipinas. 

Kulong ang mga suspek sa paglabag sa paglabag sa Dangerous Drugs Act. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.