SSS nagbabala sa pa-raffle ng pekeng Facebook group

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang Social Security System (SSS) sa isang pekeng Facebook group na nag-aanunsiyo ng pa-raffle para sa mga miyembro ng social insurance program.

Ayon kay SSS Senior Vice President Voltaire Agas, wala silang pa-raffle at hindi rin sila nagsasagawa ng mga ganoong anunsiyo sa social media.

"Huwag tayo padali-daling nagpapaniwala doon sa mga ipinapahayag ng kung ano-anong social networking medium," ani Agas.

Sinabi ni Agas na sa official website ng SSS maaaring tingnan ng kanilang mga miyembro ng mga opisyal na anunsiyo.

Kasunod ito ng paglutang ng isang Facebook group kamakailan na nag-anunsiyo ng pa-raffle sa mga miyembro nito.

Agosto 17 nang buuin ang closed Facebook group, na ngayo'y na-take down na, na may pangalang "SSS Updates" at ginamit ang logo ng ahensiya.

Nag-anunsiyo ang page, na nakakuha ng 10,000 miyembro, ng umano ay pa-raffle ng SSS. Ang premyo ay mula sa iPhone X hanggang sa house and lot. 

Para makasali, kailangang i-like ang pahina at maglagay ng isang post.

Nagkaroon ang pahina ng higit 84,000 likes.

Nang malaman ng SSS ang ukol sa pahina, agad umaksiyon ang ahensiya at dumulog sa Facebook.

Nagbabala naman ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na baka mabiktima ng data mining ang mga nag-join sa nasabing grupo.

"Isang proseso siya kung saan 'yong mga information noong mga taong nagjo-join sa page niya is naga-gather niya," paliwanag ni Lt. Col. Irene Cena ng PNP-ACG. 

Kaya ipinayo rin ng PNP-ACG sa publiko na mag-ingat sa pagsali sa mga grupo sa social media.

Nanawagan din ang SSS sa publiko na i-check sa kanilang official website o itawag sa kanila ang ano mang mga anunsiyo. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.