SAPUL SA CCTV: Kawatan nakatangay ng laptop gamit ang pamingwit

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 05:08 AM | Updated as of Aug 28 2019 04:20 AM

MAYNILA—Gamit ang isang pamingwit ng isda, natangay ng isang kawatan ang isang laptop sa loob ng isang bahay sa Las Piñas City.

Kuwento ng may-ari ng bahay, nagbakasyon sila sa Pangasinan dahil sa long weekend. 

Pag-uwi nila Lunes ng madaling-araw, nadiskubre na lang nila na nawawala na ang laptop.

Nang tingnan ang kuha ng CCTV, nakita nila ang isang lalaki na nakapasok sa gate noong Sabado ng tanghali.

Sinubukan pa nitong buksan ang pinto pero ayaw bumukas kaya pumunta ito sa bintana.

Nakakita ang kawatan ng fishing rod na may habang 10 talampakan at ginamit niya ito para makuha ang laptop na nakalagay sa mesa.

Pati T-shirt at pantalon na nakasampay sa sala ay hindi rin nito sinanto.

Inireport na ng may-ari ng bahay ang insidente sa mga awtoridad.

"'Di ko akalain na papasukin kami. May lock kami at kita may CCTV. Ang naisip namin, enough na 'yun para ma-turn off ang mga magnanakaw. Kaso nanakawan pa rin kami," aniya.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.