Pagbabayad ng buong SSS contribution kinuwestiyon ng OFW group

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 04:52 PM | Updated as of Aug 27 2019 04:53 PM

MANILA - Dumulog sa Korte Suprema, Martes ang ilang grupo para kuwestiyunin ang legalidad ng ilang probisyon ng Social Security (SSS) Act of 2018 na nag-o-obliga sa mga overseas Filipino worker (OFW) na magbayad ng buong kontribusyon sa SSS.

Inihain ng 25-anyos na OFW na si Feliza Benitez, Bayan Muna Party-list at Migrante ang isang Petition for Certiorari and Prohibition na naglalayong ipawalang bisa ang ilang probisyon ng Republic Act 11199.

Sa ilalim ng naturang batas, obligado ang mga OFW na magbayad ng monthly contribution sa SSS bago pa man sila payagang makaalis ng bansa.

"Napakabigat ng bayaring ito para sa isang OFW na magbabayad ng tinatayang nasa P7,200 mandatory SSS contribution," ani Benitez.

Naniniwala ang mga petitioner na dapat bigyang proteksyon ang mga OFW sa pamamagitan ng pag-o-obliga sa mga employer na bayaran ang kalahati ng buwanang kontribusyon sa SSS.

Inihirit ng mga petitioner sa Korte Suprema na ideklarang null and void ang ilang probisyon ng SSS law kung saan dehado ang mga OFW sa benepisyong tinatamasa ng mga manggagawa na naka-base sa Pilipinas.

Tumatayong respondents sa petition ng grupo ang mga opisyal ng SSS, Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment at Philippine Overseas Employment Administration.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.