'Inilibing nang buhay': Mga ahensiya nangakong aayusin ang mga kinatay na baboy

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 07:48 AM | Updated as of Aug 27 2019 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Matapos ang mga reklamo mula sa mga residente ng tila kalupitan sa pagpatay sa mga baboy, at di maayos na paraan ng paglibing sa mga ito, nangako ang Department of Agriculture na susunod sa wastong proseso para sa mga kinatay na baboy.

Iniutos na niya ang pagsasaayos sa maling proseso ng pagkatay sa mga baboy sa Antipolo, Rizal, ayon kay Agriculture Secretary William Dar ngayong Martes.

Nasa 500 baboy na ang nakolekta at pinatay ng mga awtoridad sa Barangay Cupang simula pa noong Biyernes dahil sa suspetsang may sakit ang mga ito.

Inireklamo ng ilang residente ang pagkakalibing sa mga baboy sa lugar malapit sa mga kabahayan maging ang paraan ng pagpatay sa mga ito.

Ilan umano sa mga biik ay isinako, inilibing nang buhay at inipit ng backhoe.

"Mayroon po kaming video na pinipipitpit ng backhoe, maririnig n'yo po iyung mga baboy," kuwento ng residenteng si alyas Mary.

Hindi rin aniya na-disinfect ang kulungan ng mga baboy at wala ring maayos na pasabi ukol sa pagpatay sa mga ito.

"Okay lang naman po sana na kuhanin ninyo pero sana linisin po nila, hindi iyung basta-basta na lang nilang kinuha," sabi ni Mary sa panayam ng DZMM.

"Wala pong abiso, nagulat na lang kami may dumating na backhoe na mayroon na raw pong nakumpiska dito sa lugar namin, sa ibang purok, tapos doon po inilibing sa amin," dagdag niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa hiwalay na panayam ng istasyon, sinabi ni Dar: "Pinagsabihan ko na ang ground zero command natin na iyong protocol na pag-depopulate hanggang mailibing iyan e gagawin natin nang tama. Itatama na iyon."

May makukuha rin aniyang P3,000 cash assistance ang mga mawawalan ng baboy. Kapag natiyak na wala nang virus sa lugar, bibigyan din ang mga residente ng mga bagong biik, dagdag ng kalihim.

Itinanggi naman ni Department of Agriculture-Calabarzon Director Arnel De Mesa ang ulat na inipit nang buhay gamit ang backhoe ang mga baboy sa Cupang.

"May mga protocols po ang Department of Agriculture sa pag-stamp out po ng mga baboy... Iyung mga baboy ay inilagay po muna sa staging ground bago pinatay ng mga pulis," aniya.

Ipapa-check naman niya ang mga ulat na walang suot na protective gear ang mga awtoridad na kumolekta sa mga baboy.

Watch more in iWant or TFC.tv


Ayon naman kay Bureau of Animal Industry (BAI) Director Ronnie Domingo, inilibing malapit sa mga kabahayan ang mga baboy dahil kailangang mailibing nang mabilis ang mga baboy.

"Dahilan sa maliit iyong lugar, siguro 'yong ibang lugar na posible bundok-bundok na. Hindi naman natin puwedeng papuntahin iyong backhoe natin doon," ani Domingo.

"In the next 72 hours, dapat ma-manage mo iyan kasi habang tumatagal iyan, lumalaki iyong tsansa na kumalat iyan sa ibang lugar," dagdag niya.

Ayon naman kay Ed Janairo, direktor ng Department of Health sa Calabarzon region, dapat lagpas sa 25 metro ang layo ng hukay sa daluyan o pinagkukuhanan ng tubig para hindi makaapekto sa kalusugan ng mga tao ang pagkaagnas ng mga baboy.

"Kung malapit sa tubigan, maaaring mapunta 'yong mga mikrobyo doon sa tubigan, mainom ng tao," ani Janairo.

Aaralin din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lalim ng hukay at distansiya nito hindi lang sa ilog kundi pati sa mga kabahayan.

Sa patakarang sinusunod ng DENR at BAI, dapat 6 talampakan ang lalim ng paglilibingan sa mga kina-cull o pinapatay na baboy.

"Hindi na-coordinate sa lahat ng agency. Now it is the national government who will be extending our assistance," ani Environment Undersecretary Benny Antiporda.

Samantala, ipapasara naman ng pamahalaan ng Quezon City ang mga babuyan sa lungsod dahil bawal ang mga ito sa residential areas, base sa zoning ordinance.

Bibigyan ng 6 buwang palugit ang mga may-ari ng mga babuyan para katayin o ilipat ang mga alaga.

Una nang inanusiyo ng DA na iniimbestigahan nito ang pagkamatay ng baboy sa ilang backyard farm.

Ilan sa karaniwang sakit ng baboy ay hog cholera, foot and mouth disease, at African swine fever (ASF).

Simula Agosto 2018, ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng karneng baboy mula sa mga bansang apektado ng ASF.

Pina-recall na rin ang mga processed pork product sa mga bansang tinamaan ng ASF.

-- May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.