'Communist leader' arestado sa QC raid

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 04:02 PM

Naaresto ng mga awtoridad noong Lunes sa Quezon City ang isa umanong opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) dahil sa umano ay ilegal na pag-aari ng mga baril, pampasabog at mga subersibong dokumento.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang suspek na si Esterlita Espinosa Suaybaguio, 60, na umano ay secretary ng Metro Manila Regional Party Committee ng CPP-NPA.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga awtoridad ang unit ng suspek sa isang condominium sa Cubao, Quezon City bandang alas-2 ng madaling araw noong Lunes.

Ito ay matapos makatanggap ng sumbong ang mga awtoridad mula sa concerned citizen na nakakitang may dalang handgun at hand grenade si Suaybaguio.

Sa search operation, narekober ang isang pistol, isang magazine na may 8 live ammunition, isang hand grande, at ilang mga subersibong dokumento, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act (RA) No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.