2 lola nabiktima ng 'budol-budol' sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang lola ang biniktima ng mga miyembro ng 'budol-budol gang' sa Pureza Street sa Santa Mesa district, Maynila.

Nasa P50,000 ang nakuha sa 60 anyos na si Flory de Lloba noong Agosto 22 habang P20,000 naman ang nakuha sa 59 anyos na si Emma, na tumangging ibigay ang kaniyang apelyido, noong Agosto 20.

Papunta sa isang bakery si De Lloba nang kausapin siya ng isang grupo na kumumbinsi sa kaniyang mag-withdraw ng pera sa bangko.

"Para bang na-hypnotize ako. Panay ang halik-halik sa kanila," ani De Lloba.

Matapos mag-withdraw ng P50,000, kinuha ng mga suspek ang pera para idagdag umano ang P25,000 na ibibigay nila.

Inilagay umano ang pera sa isang brown envelope at ibinigay sa biktima bago sila sumakay ng sasakyan.

Nang makababa ng sasakyan, natuklasan ni De Lloba na wala na ang pera kundi mga papel na lang ang laman ng envelope.

Pambili raw sana ni De Lloba ang pera ng gamot para sa kaniyang breast cancer.

"Cancer ang sakit. Eh 'pag ganiyang wala na akong pera, saan ako? Maghihintay lang ako mamatay," aniya.

Ayon naman kay Emma, nilapitan siya ng babaeng nagpakilalang manggagamot sa may Pureza Street.

Niyaya ng babae ang biktima sa bahay nito para gamutin ito sa sakit nito.

Pinatanggal ng babae sa biktima ang singsing nito at ipinalagay sa tray.

Sinabi raw ng babae na masuwerte raw kung sasamahan ng biktima ng pera ang tray na may singsing.

Hindi napansin ng lola na tinangay ng babae ang laman ng tray nang umalis ang babae sa bahay.

Nanawagan ang pulisya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa mga suspek. Puwede raw itong idulog sa Santa Mesa police at mga tauhan ng Barangay 626.-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.