23 hinihinalang biktima ng human trafficking, nasagip sa Tawi-Tawi

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2018 07:00 PM

MAYNILA -- Dalawampu't tatlong hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) sa may karagatang malapit sa Bakkungan Island, Tawi-Tawi nitong katapusan ng linggo. 

Ito ay matapos mamataan ng PCG ang isang barkong papunta sa Boan Islands, isa sa Turtle Islands na sakop ng Pilipinas, ayon sa station chief ng PCG-Zamboanga na si Lieutenant Commander Noriel Ramos.

Nang inspeksiyonin ang barko, walang naipakitang travel documents ang mga pasahero para patunayang opisyal ang kanilang biyahe.

Sa interrogation, nabatid ng mga awtoridad na susunduin pala ang mga indibidwal sa Boan Island upang makapasok sila ng Sandakan, Malaysia para magtrabaho.

Ibinalik na sa pantalan sa Zamboanga ang mga biktima para sa profiling o para makuha ang kanilang mga pagkakakilanlan.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.