Halaga ng pinsala ni Ineng sa Ilocos Norte umabot sa higit P589 milyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2019 06:40 PM | Updated as of Aug 26 2019 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot na sa higit P589 milyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Ineng sa lalawigan ng Ilocos Norte, ayon sa provincial government.

Nasa P544.28 milyon ang halaga ng pinsala sa impraestruktura habang P45.31 milyon naman sa agrikultura, ayon sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management and Resiliency Council (PDRRMC) ng Ilocos Norte.

Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan dahil sa matinding pinsalang hatid ng bagyo.

Sa bayan ng Pasuquin, nasira ang stage ng Dilavo Elementary School dahil sa pagragasa ng baha.

Gumuho rin ang riprap sa isang bahagi ng Tamdagan Bridge sa Vintar, Ilocos Norte. Isang lane ng southern approach ng tulay ang puwedeng daanan.

Dahil sa malakas na agos ng tubig, parang mga laruang natumba ang mga heavy equipment na ginagamit sa pagpapatayo ng tulay sa Bislar River sa Vintar.

Sa Laoag, 5 bubong ng mga bahay ang nilipad sa isang barangay.

Sa agrikultura, matinding nasalanta ang mga palayang nalubog sa baha.

May mga alagang baka ring namatay matapos anurin ng rumaragasang baha sa Vintar.

2 PATAY

Dalawa naman ang nasawi sa kasagsagan ng bagyo.

Kasama rito si Ricky Manglanlan, 37 anyos at mula Laoag City, na tinangay ng rumaragasang baha habang tumutulong sa mga lumilikas.

Nasawi rin sa Pasuquin ang 17 anyos na babae na natabunan ng lupa ang bahay kung saan siya nakitulog.

Ayon kay Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc, mabibigyan ng pinansiyal na tulong ang kaanak ng mga namatay.

Inihayag naman ni acting Agriculture Secretary William Dar na magpapautang ang ahensiya ng P25,000 sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyo.

Babayaran ito sa loob ng 3 taon at walang interes. -- Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.