Implementing rules ng ID system, target ilabas sa Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2018 08:04 PM

Epektibo na ang batas sa national ID system ngunit patuloy pa ring binabalangkas ang implementing rules and regulations (IRR) na ilalabas sa Oktubre.

Ikinatuwa ng mga tumatanggap ng unconditional cash transfer ang pagkakaroon ng national ID dahil iwas-abala anila ito sa pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan.

"Talagang pabalik-balik ka sa isang ahensiya, aksayado sa pamasahe, wala ka na ngang pera," saad ni Dolly Elanga, tumatanggap ng unconditional cash transfer.

Nagagalak din ang ilang senior citizen dahil may ilang establisimyento anila na hindi tumatanggap ng senior citizen ID bilang valid ID.

"Kung palitan nila 'yan, mas madali, hindi na mahihirapan pa, mas mainam," anang 70 anyos na si Victoria Villate.

Libre ang pagpaparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys).

Sisimulan ng pamahalaan ang PhilSys sa National Capital Region, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region sa Disyembre.

Inaayos ng pamahalaan ang IRR, kabilang ang proseso sa pagrerehistro ng mga bata at paggabay sa mga may kapansanan.

"Paano irehistro ang mga minor, paano kapag may problema sa birth certificate. Gusto din namin matulungan 'yong mga disabled, 'yong indigenous people [at] 'yong mga tao who do not get access to social benefits," ani Mary Tuble, tagapagsalita ng PhilSys. 

Garantiya naman ng pamahalaan na kabilang din ang usaping seguridad sa mga tatalakayin sa paggawa ng IRR.

"The ID should be designed with privacy... Maybe the government should look into partnering with the banks that can provide the card. Sometimes, puwede nating gayahin 'yan 'di ba," saad ni Assistant Secretary Allan Cabanlong ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Aabot sa P30 bilyon ang gagastusin ng gobyerno para sa national ID system.

— Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.