Failon Ngayon: Istranded sa paliparan Part 1

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2018 05:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong mga pasahero ng mga eroplano na umabot hanggang 60,000 ang natengga at naglabas ng kaniya-kaniyang hinaing dahil sa nakanselang 200 flights matapos isara ang runway ng NAIA nitong nakarang Biyernes, Agosto 17, 2018. Sumadsad kasi sa Ninoy Aquino International Airport runway ang Chinese Airplane na Xiamen Air flight MF8667 noong Agosto 16, Huwebes ng gabi.

Papunta sana ng Taiwan sila Tatay Tor Dibar noong Agosto 18. Magsasaka si Tatay Tor mula Tacloban. Ang kanyang pagpunta sa Taiwan ay para pag-aralan ang makabagong paraan ng pagsasaka roon at para makapag-bakasyon na rin.

Yun nga lang ang matagal na niyang inayos na lakad, mapupurnada lang pala. Ayon kay Tatay Tor may connecting flight sila mula Tacloban hanggang Manila at Manila to Taiwan. Nadelay na ang kanilang flight ng dalawang oras sa Tacloban at ng malapit na sila sa NAIA ay nag-announce daw ang piloto na hindi sila makakababa doon kaya sa Clark nalamang sila ibababa. 

Pagkababa nga daw nila sa Pampanga ay nagkakagulo na ang mga tao at nagagalit kung bakit sila nasa Pampanga. Nang sa wakas ay makarating sila tatay Tor sa NAIA Terminal 1 ay naghintay din sila ng labing pitong oras at ang kanilang flight tuluyan ng nakansela.

Naipit din sa loob ng airport ang ating mga OFW na kelangan nang bumalik sa bansang pinagta-trabahuhan nila. Tulad na lamang ni Eric Maynantay na limang taon ng supervisor sa isang hardware sa Saudi Arabia. Ayon sa kanya dapat ay Agosto 18 aalis na siya pero dahil nga sa mga aberyang nangyari, malaki ang naging epekto nito sa kanyang pag-alis. Kailangan pa daw niya tumawag sa kanyang employer para ipaalam ang nangyari at humingi ng panibagong VISA.

Sa Davao Airport naman, delayed din ang ilang flights papuntang Maynila at Cebu. Ayon kay Marlon Senorez, pasahero glaing Davao papuntang Maynila, sobrang hassle daw ng nangyari dahil may trabaho din siyang naiwan.

Hindi lang mga Pinoy ang badtrip noong araw na yun. First time pa naman sa bansa ng Pranses na si Catherine Petiot at ng kanyang pamilya. Pauwi na sana sila sa France nang abutan pa ng aberya ng Xiamen Airlines. Ayon sa kanya, maganda daw ang bansang Pilipinas at palakaibigan pa ang mga Pilipino, pero ang international airport daw ay hindi maayos. 

Base sa mga unang balita, dahil daw sa sama ng panahon kaya lumihis sa runway ang eroplano ng Xiamen Airlines. Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng Xiamen Airlines sa publiko dahil sa insidente.

Ayon naman sa Manila International Airport Authority patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon tungkol sa totoong nangyari sa NAIA. Dahil kung weather condition daw ang dahilan ng emergency landing na ito, bakit marami naman daw na eroplano ang nakalapag ng maayos sa NAIA?

Sa nangyari ngang ito sa ating paliparan, ang tanong ng marami, meron daw ba talagang protocol o standard procedure sa ganung sitwasyon na dapat ipinapatupad ng atin pong mga airport authorities?

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong insidente sa ating paliparan. Nandyan daw ang Federal Express noong 1998, Korean Airlines na nag-overshoot sa runway at marami pa daw iba. 

Dagdag pa niya, mayroon naman daw standard operation procedures tuwing may runway excursion. 

"Pagka-ganitong sitwasyon una ho dapat ay ang may-ari ng eroplano, base sa reklamento ng IKO na sila ang unang gagawa ng recovery pero po pag nakikita po natin na wala pong kapasidad yung airline mismo, dun po papasok based on the direction ng CAB, kami, ang airport operator ang papasok para gampanan yung pagrerecover kase ho kung mag-aantay pa tayo ng mga tauhan, yung tinatawag po naming fly away team, yung magdadala ng mga equipment dito, e mas matagal ho ang magiging proseso dahil syempre dadalhin pa lahat dito ang gamit," sabi ni Monreal.

Dagdag pa ni Monreal, wala daw dapat timeframe sa ganitong sitwasyon. 

"Wala hong naka-dekahon na kelangan at this particular situation. It will be a situational reaction in terms of the recovery. Yung importante po dapat maextract at the soonest possible time at ang safety po ng recovery team ay dapat pangalagaan."

Paglilinaw din ni Monreal sa ilang isyung kumakalat ngayon, Hindi daw nila iniingatan ang eroplano, ginagawa lang daw nila ang mga required process and protocols sa extraction ng eroplano.

Pero ayon sa dating Civil Aviation Authority Director General na si Capt. John Andrews, hindi naman daw dapat umabot ng ganung katagal ang pag-extract o pagtanggal ng miaa sa eroplano. 

"Sa palagay ko, 12 hours would be sufficient time to figure out ‘ano ba tatanggalin na ba natin to or are we going to try to save the aircraft. When yung normal na pagtatanggal hindi magawa, well we have to resort to other things. Kumbaga sa America, pag hindi talaga nila magawa bulldozer, tapos," ayon kay Andrews.

Dagdag pa niya nadale rin daw ng pagtigil ng ating airport and ating ekonomiya. 

Ayon naman sa isa sa Tourism Stakeholder ng bansa na si Robert Lim Joseph, Presidente ng Network of Independent Travel and Allied Services, may epekto daw ang pagtigil ng paliparan sa ating turismo. Baka negatibo pa daw ang makarating sa mga dayuhang gustong pumunta sa atingf bansa. Loss daw natin ito. Sana daw ang Department of Tourism may personnel na tinipon ang mga foreigners at binigyan ng special treatment dahil puhunan nila ang mga turistang ito.

Depensa naman daw ng DOT meron naman daw DOT Office sa NAIA sa tatlong terminals. May nakadeploy din daw na mga officers, 7 days a week 24/7. Noong nangyari daw ang problema sa paliparan, naka-standby at assist na rin daw ang mga officers nila sa mga pasahero at turista. 

Pero ayon mismo sa mga pasahero tulad ng pamilya ni Catherine Petiot, wala naman daw pagkain, tubig o nag-aabiso sa kanila tungkol sa mga nangyayari. Tinawagan daw nila ang embahada ng France pero wala din daw maisagot sa kanila.


Hindi kailangang umabot sa ganito kagulo sa ating paliparan kung naibibigay ang karapatan at tamang impormasyon sa pasahero kapag may aberya sa paliparan. 

Ang tanong: nasusunod ba ang mga patakaran?

END OF PART 1

____________________

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice
11:00 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant tv! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwanttv.com 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.