Pinsala ni Ineng sa Ilocos Norte pumalo sa higit P300M; DA magbibigay-ayuda

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LAOAG CITY, Ilocos Norte — Umabot na sa mahigit P300 milyon ang pinsalang iniwan ng bagyong Ineng sa Ilocos Norte na kasalukuyang napapailalim sa state of calamity, ayon sa ulat ng lalawigan.

Sa huling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, mahigit P300 milyon na ang pinsala ni Ineng sa imprastruktura at halos P20 milyon naman sa agrikultura.

Sa Dilavo Elementary School sa Pasuquin, bumigay ang stage ng paaralan dahil sa pagragasa ng baha nooong Sabado.

Gumuho naman ang riprap sa isang bahagi ng Tamdagan Bridge sa Vintar kaya't isang lane lang ang puwedeng daanan. 

Patuloy din ang road clearing operations sa mga kalsada sa Vintar na na-landslide. 

Sa buong Ilocos Norte, umaabot ng 20,000 residente ang apektado mula sa mahigit 100 barangay sa lalawigan. 

Sa huling tala, 2 ang iniulat na namatay dahil sa bagyo. 

AYUDA

Samantala, may nakahandang emergency financial assistance fund ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka sa Ilocos Norte.

Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na maaaring kumuha ng P25,000 na tulong-pinansiyal ang mga magsasaka doon. 

Wala itong interes at maaaring bayaran hanggang 3 taon

Manggagaling sa Survival and Recovery (SURE) Assistance Program ng DA ang pondo para rito.

Layon ng naturang programang mabigyan ng agarang tulong at mapanatili ang produksiyon ng mga magsasaka. —Ulat nina Grace Alba at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.