2 suspek sa droga, patay matapos 'manlaban' sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2018 03:59 AM

Lady Vicencio, ABS-CBN News

BULACAN - Patay ang 2 lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Malolos City, Bulacan Biyernes ng gabi.

Nakuha sa kanila ang 2 kalibre .38 na baril at nasa P20,000 halaga ng hinihinalang shabu at marijuana.

Ayon sa pulisya, nangyari ang transaksiyon sa Sitio Bacood, Barangay Matimbo kung saan nakabili ang poseur buyer ng P300 halaga ng shabu.

Nanlaban umano ang mga drug suspect nang huhulihin na ng mga pulis.

Kuwento ng mga opisyal ng barangay, sumuko dati sa Oplan Tokhang si alyas Abno at nagtapos na sa drug reformation program.

Sangkot naman umano sa mga pagnanakaw sa lugar si alyas Renier.

Itinuturing din na ikalawang most wanted drug personality si alyas Renier, ayon kay Supt. Heryl Bruno, hepe ng Malolos City police. 

Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang isang kasamahan ng mga suspek na nakatakas sa operasyon. - Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.