Lalaki patay, pulis sugatan sa engkuwentro sa Baseco

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 10:00 AM | Updated as of Aug 24 2019 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isang pulis sa engkuwentro sa Baseco, Maynila, Biyernes ng gabi.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng salarin habang nagpapagaling naman sa ospital si Police Cpl. Edmar Fesway.

Ayon kay Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., director ng Manila Police District (MPD), nagsasagawa ng Oplan Sita ang biktima sa lugar.

Iinspeksiyunin sana ni Fesway ang isang traysikel nang biglang barilin ng lalaking pasahero.

Agad tumakbo palayo ang salarin at kaniyang kasamahan. Hinabol sila ng mga rumurondang pulis hanggang mauwi ito sa engkuwentro kung saan napatay ang salarin.

Hinala ni Danao, posibleng gagawa ng krimen ang salarin at kasamahan nito dahil may dala itong baril.—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.