Ilang bayan sa Iloilo naperwisyo ng baha; 11 pamilya inilikas

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 02:38 PM

Dinala muna sa isang kapilya ang nasa 11 pamilya sa Jaro, Iloilo habang hinihintay na bumaba ang tubig sa kanilang mga bahay. Retrato mula kay Joyce Clavecillas, ABS-CBN News


JARO, Iloilo — Wala nang nagawa ang ilang residente sa bayan na ito nang unti-unting pasukin ng baha ang kanilang mga bahay bunsod ng walang tigil na ulan simula Biyernes ng gabi.

Sinisisi ng mga residente sa Barangay Calubihan ang tumaas na lebel ng tubig sa Dungon Creek na malapit sa kabahayan. 

Dinala muna sa isang kapilya ang nasa 11 pamilya habang hinihintay na bumaba ang tubig sa kanilang mga bahay. 

Pero may ilan na bumalik muna upang bantayan ang mga gamit na naiwan.

Ayon sa mga opisyal ng Barangay Calubihan, handa na ang kanilang mga gamit sakaling kailanganin ng rescue operations. 

PAVIA, ILOILO

Kabilang ang Barangay Ungka II sa itinuturing na flood-prone area ng Pavia, Iloilo. Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Sa Pavia, Iloilo naman, isang umapaw na sapa ang nagdulot ng pagbaha sa ilang bahay sa Barangay Ungka II.

Hindi na rin nagpa-evacuate ang mga residente dahil bumaba na ang baha pagsapit ng umaga. 

Patuloy pang inaalam ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Pavia kung ilang bahay ang naperwisyo ng baha.

Kabilang ang Barangay Ungka II sa itinuturing na flood-prone area ng Pavia. 

Sinabi ng state weather bureau PAGASA nitong Sabado na kasama ang Iloilo sa mga makararanas ng pabugso-bugsong pag-ulan kasabay ng paglabas ng bagyong Ineng sa Philippine area of responsibility.

Gayunpaman, isang namumurong low-pressure area naman ang namataan sa may Mindanao na tatawaging "Jenny" sakaling maging bagyo.

Bisitahin ang ABS-CBN Weather Center para sa pinakahuling mga balita ukol sa panahon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.