Higit P12-M halaga ng shabu nasamsam sa 2 Pampanga buy-bust

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 06:40 PM | Updated as of Aug 24 2019 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot sa mahigit P12 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa Pampanga matapos ang 2 magkahiwalay na buy-bust operations. 

Noong Biyernes ng gabi ay natimbog ng Police Regional Office 3 sa Barangay Cabalantian, Bacolor, Pampanga ang mga drug suspect na sina alyas "TJ," misis niyang si alyas "Marissa," at 3 iba pa. 

Ayon sa regional drug enforcement unit (RDEU) ng Pampanga police, supplier ng droga ang 5 sa Bacolor, Angeles, San Fernando, pati na rin sa Bulacan.

Hindi inakala ng pulisya na higit 1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7.4 milyon ang makukuha sa mga suspek.

"Nu'ng pumayag sila na mag-deliver ng 25 grams, naghanda kami ng marked money na P20,000. Pero we were surprised na more than 25 grams ang dala nila," ani Police Col. Rhoderick Armamento, hepe ng Pampanga RDEU.

Nitong linggo lang, inaresto rin ang isa pang drug group na nahulihan naman ng 800 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P5 milyon.

Mahaharap ang mga inarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.