Bata tinahi ang ulo matapos hampasin ng lasing na lolo

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 07:48 PM | Updated as of Aug 24 2019 09:00 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na karumal-dumal na krimen at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

PINILI, Ilocos Norte—Siyam na tahi sa ulo ang kinailangang gawin sa isang 9 anyos na babae matapos siyang hampasin ng kahoy ng kaniyang lolong lasing noong Biyernes.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagalit ang matanda nang makitulog sa bahay ng iba ang bata.

Dinepensahan naman ng lola ng biktima ang suspek, na ika-2 na niyang asawa, dahil lasing lang daw ito. Hindi rin siya nagsampa ng reklamo dahil ang suspek daw ang nagtataguyod sa kanila.

Pero mismong ang Municipal Social Welfare Office na ang nagsampa ng kasong frustrated homicide laban sa lolo.

Kasalukuyan itong nakapiit at walang inirekomendang piyansa. 

Katuwiran naman ng suspek, hindi niya hinampas ang apo, kundi "hinagisan" lang daw ng kahoy sa sobrang inis. 

Nagpapagaling na ngayon ang batang babae matapos sumailalim sa operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.