2 patay sa hagupit ni Ineng sa Ilocos Norte; state of calamity idineklara

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LAOAG CITY, Ilocos Norte — Dalawa na ang naitalang patay sa paghagupit ng bagyong Ineng dito, dahilan din para ideklara ang state of calamity sa buong lalawigan. 

Isa sa mga nasawi ay ang 17 taong gulang na babae sa Barangay Surong sa Pasquin, na natabunan ng lupa ang kanilang bahay.

Ang isa pa ay ang 37 taong gulang na lalaki sa Laoag City matapos siyang tangayin ng rumaragasang baha habang tumutulong sa rescue operations. 

Nagmistulang lawa naman ang maraming palayan sa Laoag City dahil gabi pa lang ng Biyernes ay buhos na ang ulan. 

Dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga palayan, binaha na rin ang mga kalsada.

Umaabot na sa higit 400 ang lumikas mula sa binahang mga barangay sa buong Laoag City.

Nananatili naman sila sa evacuation areas kahit na tumigil na ang pag-ulan nitong Sabado pasado alas-3 ng hapon.

Sinabi ng state weather bureau PAGASA nitong Sabado na makararanas ng pabugso-bugsong pag-ulan kasabay ng paglabas ng bagyong Ineng sa Philippine area of responsibility.

Gayunpaman, isang namumurong low-pressure area naman ang namataan sa may Mindanao na tatawaging "Jenny" sakaling maging bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.