P35-M halaga ng shabu, nasamsam sa dayuhan sa Binondo

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 12:47 PM | Updated as of Aug 24 2018 05:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (3rd UPDATE) - Tinatayang aabot sa P35 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na nasamsam sa raid sa kuwarto ng isang hotel sa Binondo sa lungsod na ito, Biyernes ng umaga.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar, may mga tinitingnan na silang pangalan o personalidad na posibleng sangkot sa operasyon laban sa naarestong Taiwanese na si Chan Chin Hao.

"Inaalam pa natin 'yun sa ngayon but definitely itong nakuha natin sinasabing significant member of a syndicate considering nasa kaniya itong maraming items," sabi ni Eleazar.

Umabot sa 5 kilo ng shabu na nakasilid sa pitong plastic bag ang nakumpiska sa dayuhang suspek.

Nakumpiska rin sa pag-iingat ng dayuhan ang 20,000 rounds ng mga bala ng 9mm.

"Itong mga shabu, mga bala, pati na rin itong ginagamit na ingredients paggawa ng shabu ay binigay lang sa kaniya and pagkatapos may kukuha sa kaniya," paliwanag ni Eleazar.

Ipapasuri na rin sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung anong sangkap ng droga ang nilalaman ng nakumpiskang mga foil sa kuwarto ng suspek.

Natuloy ang raid matapos ang isinagawang intelligence monitoring ng mga operatiba ng Manila Police District. 

Sasampaha ng kasong illegal possession of ammunition at possession of illegal drugs ang dayuhang suspek. 

-- Ulat nina Zyan Ambrosio at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.