Nam-bully sa traffic enforcers, timbog dahil sa mga armas

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 09:13 PM | Updated as of Jan 16 2020 03:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinuli ang negosyanteng si Arnold Padilla, na kamakailan ay nadawit sa paninindak at pananakit ng mga traffic enforcer, matapos makitaan ng mga ilegal na armas sa bahay niya Makati. 

Natagpuan ang tatlong baril, mga bala, at dalawang granada sa cabinet ng kusina ni Padilla nang ikasa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang search operation sa bahay nito. 

Mayo pa dapat mag-e-expire ang lisensiya ng mga armas ni Padilla pero isinawalangbisa na ito noong Abril matapos niya magsumite ng pekeng drug test. 

Nang dadalhin pa sa istasyon si Padilla, nagpatawag ito ng doktor dahil masama umano ang kaniyang pakiramdam. 

Nakitang mataas ang blood pressure ni Padilla kaya isinailalim muna siya sa hospital arrest. 

Iginiit pa ng kinakasama ni Padilla na si Glocel Razon na ang pulis ang nagsilid ng armas sa bahay nila. 

Katuwiran ng kanilang abogado na si Raymond Fortun, "kulang" ang laman ng search warrant ng pulis. 

“Ang search warrant po dapat very specific. Kung ano 'yung hinahanap at kung saan 'yung lugar na dapat hahanapin ng pulis,” ani Fortun. 

Pero ayon sa mga saksi, imposible raw ito dahil walang hawak na armas ang pulis nang sinalakay nila ang bahay ni Padilla. 

Kamakailan ay nag-viral si Padilla at ang kaniyang bodyguard na nakipagsagutan sa enforcer nang lumagpas ang kanilang kotse sa red light. 

Bukod sa hinaharap na kasong direct assault at physical injury sa nasabing insidente, may 30 pang reklamong hinaharap si Padilla sa mga kapitbahay, na ikinatuwa ang paghuli rito. 

“Kulang na lang maglagay kami ng banner diyan sa labas na, 'Maraming salamat sa inyong lahat at finally tatahimik dito sa village namin,'” ayon sa isang kapitbahay.

Inaalam din ng kapulisan kung si Padilla ang suspek sa pagpatay sa sarili niyang kapatid noong 2010 dahil sa mana. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.