2 mekaniko timbog sa pagbebenta ng 'nakaw' na motor, piyesa sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 08:58 PM | Updated as of Sep 29 2019 04:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog ang dalawang lalaki matapos gawing negosyo ang mga umano'y nakaw na piyesa at motorsiklo sa Bacoor, Cavite. 

Kinilala ang mga suspek na sina Jay Ar Velasco at ang estudyanteng si George Mendoza.

Sinalakay ng pulisya ang dalawang bahay na pinaghihinalaang tambakan at bentahan ng mga motor at ng mga piyesa. 

Nakuha dito ang 17 motorsiklo at tambak-tambak na mga piyesa at plaka. 

Nalamang walang papeles ang mga ito at wala pang permit to operate ang shop ni Velasco, na 14 taon nang nakabukas. 

Itinanggi ni Velasco na nakaw ang mga ito at sinabing galing sa kaniyang mga kostumer ang mga piyesa. 

"Wala naman akong ginagawang masama. Naipon nang naipon ang mga lumang piyesa,” aniya. 

Ayon sa imbestigasyon ng Bacoor police, pinagaganda muna ng mga suspek at ibinebenta sa mas malaking halaga ang mga nakaw na motor na binibili mula sa kanilang "supplier" sa Cavite at Las Piñas. 

Nahaharap sa kasong paglabag sa anti-fencing law ang mga nahuling suspek. 

Nanawaganan naman ang mga awtoridad sa mga nanakawan ng motorsiklo sa Cavite na agad makipag-ugnayan sa kanila 

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.