Matagal na pagkaimbak sa bigas, sanhi ng bukbok

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2018 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang matagal na pagkakaimbak sa barko ang dahilan kung bakit pineste ang sako-sakong bigas na inangkat ng gobyerno at ibiniyahe sa Subic Bay, ayon sa isang plant quarantine officer ng Bureau of Plant Industry (BPI).

Ito ay matapos matuklasan noong Miyerkoles ang nasa 130,000 sakong bigas na nakaimbak sa barkong nakadaong sa Subic Bay Freeport Zone na naapektuhan ng mga insektong bukbok.

"Kasi 'pag nagtatagal 'yong commodities sa ganyang ano, lalo na kulob, very conducive kasi 'yon [para sa bukbok] kapag ganoon," ani Ronie Manuel, plant quarantine officer ng BPI.

Ayon kay Manuel, masyado na raw marami ang bukbok na makikita sa mga sako ng bigas kaya kailangang isailalim sa fumigation o iyong pagpapausok ng mga gamot upang mapuksa ang mga insekto.

Ipapalaot umano ang barko at doon ipu-fumigate. Hindi rin umano usok ang gagamitin ng BPI kundi tabletang magsisingaw ng nakamamatay na gamot.

Pero nilinaw din ni Manuel na ligtas ang bigas kahit sumailalim sa fumigation.

MASAMANG PANAHON

Ayon naman kay National Food Authority (NFA) spokesperson Rex Estoperez, tumagal lamang sa barko ang bigas dahil sa masamang panahon.

"Kung umulan, hindi pa rin papayag 'yong kapitan ng barko na magbaba kasi mas malaki 'yong mawawala 'pag nabasa 'yong bigas," ani Estoperez.

Iginiit din ni Estoperez na mali ang "timing" o tiyempo sa pag-angkat dahil maulan.

"Lapses in the decision [of] when to import, kasama 'yon. So dapat pinaplano," aniya.

Nais namang paimbestigahan ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang pagkakaroon ng bukbok ng mga bigas.

Napuno rin ng batikos ang NFA mula sa mga senador na humihiling na tanggalin sa puwesto o mag-resign na ang mataas na opisyal ng ahensiya.

Watch more in iWant or TFC.tv

BENTA NG NFA RICE SA ALBAY, NILIMITAHAN

Samantala, nilimitahan muna ang benta ng NFA rice sa mga palengke sa Albay dahil hindi pa naibababa sa barko ang mga inangkat na bigas na nakitaan din ng mga bukbok.

Kinumpirma noong Miyerkoles ng isang opisyal ng NFA sa Bicol region ang pagkakaroon ng bukbok ng ilang sako ng bigas mula sa barkong nasa pantalan ng Tabaco City.

Ipinatigil muna ang pagdiskarga sa natitirang 177,000 sako dahil sa bukbok upang isailalim sa fumigation.

Bunsod nito, pagkakasyahin muna ang 23,000 sako na unang naibaba mula sa barko.

Sa Legazpi City Public Market, nasa P32 ang benta sa kada kilo ng NFA rice at dalawang kilo lang ang maaaring bilhin ng kada kostumer.

Sang-ayon din sa pahayag ng Bureau of Plant Industry (BPI) si NFA-Albay provincial manager Alan Sabaybay na nagkakaroon talaga ng bukbok ang bigas kapag matagal na itong nakaimbak o dahil sa mahabang biyahe.

Naglayag ang barkong may dalang bigas mula Thailand noong Hulyo 29 at dumating ng Albay makalipas ang siyam na araw.

Subalit dahil sa masamang panahon, hindi agad naibaba ang mga sako. Agosto 15 na nang simulang diskargahin ang mga sako. 

Inaasahan namang sa Agosto 30 o Setyembre 1 pa maaaring ibaba ang mga natitirang sako.

--Ulat nina Kori Quintos at Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.