'Holdaper' patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2018 05:47 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patay ang isang hinihinalang holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City.

Nakahandusay sa kanto ng Villa Aurora Road at Aurora Boulevard ang isang lalaki na nakasuot ng itim na T-shirt at itim na pantalon.

Makikita sa tabi nito ang isang baril na ginamit para paputukan ang mga operatiba.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nakatanggap sila ng intelligence report tungkol sa nagbabalak na mangholdap sa lugar.

Nagpatrolya ang mga tauhan ng CIDG at nakita nila ang 2 lalaki na sakay ng isang motorsiklo na nakatambay sa madilim na bahagi ng Villa Aurora sa Barangay Loyola Heights, ilang hakbang lamang mula sa isang bangko.

Sisitahin pa lamang nila ang 2 lalaki pero agad nagpaputok ang isa sa mga ito habang tumakas naman sakay ng motorsiklo ang isa pang lalaki.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga tauhan ng CIDG para matunton ang nakatakas na kasama. - Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.