'TRIP LANG': 13-anyos patay sa pananaga ng 4 na lalaki

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 08:53 PM

KITCHARAO, Agusan Del Norte - Patay ang 13-anyos na bata matapos na pagtatagain ng apat na lalaki Martes ng gabi sa Purok 4, Barangay Poblacion, Kitcharao, Agusan Del Norte. 

Nagpapahangin lang umano ang biktimang si Rafael Gica sa labas ng kanilang bahay nang lapitan ng apat na lalaki at bigla siyang pinagtataga. 

Nakatakbo pa si Gica papunta sa kanilang bahay na duguan at itinakbo sa ospital pero idineklarang dead on arrival ito.

Nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay at leeg ang biktima

Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, posibleng napagtripan lang ang bata.

"According sa ating investigator diyan, 'yung motibo na nakalap namin sa imbestigasyon is trip lang, napagtripan lang nila 'yung bata na mapatay kasi nung sabi-sabi doon sa lugar nila, gusto nilang pumatay ng isang local," pahayag ni Senior Inspector Michael Corvera.

Nabigla ang ina ni Gica sa pangyayari. Isa umano itong masayahin at bibong anak kaya't ganun na lang kasakit sa kanya ang sinapit nito.

"Sakit sa dibdib... 'Di ko matanggap na ganun lang parang pusa lang na pinatay 'yung anak ko... mabait na bata naman 'yun, hustisya lang kailangan namin! Sino pumatay sa anak ko? Batang-bata pa eh," sabi ng ina ni Gica na si Maria Lyn Oftana. 

Hindi pa narekober ang ginamit na itak ng mga salarin. Pero meron nang pinaghihinalaan ang mga pulis na pumatay sa bata. Hindi muna nila pinangalanan ang mga ito dahil patuloy pa ang imbestigasyon.

Inihanda na rin ang kasong murder laban sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.