Pag-angkat ng baboy ipinagbawal sa ilang lalawigan

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 06:44 PM | Updated as of Aug 22 2019 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pansamantalang ipinagbawal ang pag-angkat o pagpasok ng baboy sa ilang lalawigan kasunod ng ulat ng pagdami ng mga namamatay na alagang baboy dahil sa hindi pa natutukoy na sakit.

Ilang quarantine checkpoint ang ipinuwesto sa iba't ibang bayan sa Pangasinan matapos ipag-utos ng provincial government ang temporary ban sa pagpasok ng mga baboy mula sa ibang lalawigan bilang pag-iingat.

Sa Guiguinto, Bulacan, pansamantalang isinara ang mga timbangan o lagakan ng baboy mula sa ibang mga lalawigan.

Ang Bulacan ang nagsusuplay ng hanggang 60 porsiyento ng baboy sa Metro Manila.

Ipinagbawal na rin ng provincial government ng Bohol ang pagbiyahe at pagpasok ng mga baboy at karne kung walang health certificate, shipping permit at meat inspection certificate. 

Sa Cebu, isang task force ang binuo para maiwasang magkahawaan ng sakit ang mga baboy.

Sinusuyod naman ng lokal na Department of Agriculture at veterinary office ng Pampanga sa mga babuyan para malaman kung may mga apektadong baboy.

Magkakaroon naman simula Lunes ng mga quarantine checkpoint sa iba't ibang lugar sa Quezon City. 

Inihayag noong Lunes ni acting Agriculture Secretary William Dar na nakatanggap sila ng ulat ukol sa pagtaas ng bilang ng mga baboy na namamatay sa ilang lugar sa bansa.

Isasailalim ang mga namatay na baboy sa lab exam para matukoy kung ano ang ikinamatay ng mga ito. 

Tiniyak naman noong Miyerkoles ni Agriculture spokesperson Noel Reyes na ligtas ang mga ibinebentang karne ng baboy sa merkado.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.