Mga makinang panggawa ng pekeng sigarilyo sinira ng BIR

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 08:37 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Gamit ang backhoe, isa-isang sinira sa harap ng mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Audit, at National Bureau of Investigation ang iba't ibang makinang ginagamit sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo sa isang waste management facility sa Barangay Bayabas sa lungsod na ito, Huwebes.

Kabilang sa mga sinira ang anim na cigarette-packing machines, apat na cigarette-making machines at isang cigarette-filter machine.

Nakompiska ng BIR Strike Team ang mga kagamitang ito sa tatlong mga warehouse sa Barangay Cugman, Cagayan de Oro City; Poblacion, Villanueva, Misamis Oriental; at Alwana Business Park, Cagayan de Oro City sa kanilang operasyon noong Mayo 2018.

Sinira din ang karton-kartong pekeng sigarilyo at iba pang supplies na gamit sa paggawa nito.

"The government is really bent on running after these illegal activities of these people who are manufacturing cigarettes without payment of excise tax," sabi ni Deputy Commissioner Arnel Guballa ng BIR.

Sa tantsa ng BIR, aabot sa P1.25 billion ang obligasyon ng mga manufacturers sa mga pekeng sigarilyo pa lang dahil sa kawalan ng tax stamps.

Hindi na pinangalanan ng BIR ang tatlong may-ari ng warehouse na gumagawa ng pekeng sigarilyo pero ayon sa kanila, ilan sa mga ito ay mga banyaga.

Kinasuhan na sila ng paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.