Ilang sinagip ng Bantay Bata 'naulila' sa pagpanaw ni Gina Lopez

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dagsa ngayong Huwebes sa unang araw ng public viewing sa namayapang environmentalist na si Gina Lopez ang mga natulungan ng pilantropo.

Namatay nitong Lunes ang founder o nagtatag sa ABS-CBN Foundation sa edad na 65 dahil sa multiple organ failure.

Galing pa sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga nagpunta, kabilang na ang nasagip ng tinatag ni Lopez na Bantay Bata 163 hotline.

Bumisita rin ang ilang nanirahan noon sa Children’s Village ng Bantay Bata, gaya ng 25 anyos na si Nica Garcia, na inabandona ng magulang.

Laki aniyang pasasalamat ang handog niya sa kanilang "Tita Gina," na itinuring niyang "mother figure."

"Kung wala po si Tita Gina baka po isa po ako sa batang pagala-gala na lang na pariwara. Siya po 'yung way na magkaroon ng direksiyon ang buhay namin," ani Garcia, na may mga sarili nang mga anak.

Siyam na taong gulang si Raffy Damalerio nang pumasok siya sa Children’s Village at kay Lopez daw siya nakaramdam ng pagmamahal ng isang ina.

"Kung gaano pa kadumi 'yung kamay mo yayakapin ka niya, kahit na ano pa 'yung kadungis ng mukha mo pupunasan ka niya. Parang, ano 'yung dumi ng suot mo siya ang maglilinis para sa iyo,” ani Damalerio.

Naroon din ang kauna-unahang batang nasagip ng Bantay Bata na si Jessie Boy Lopez, isang batang may special needs na nangungulila sa pagpanaw ni Lopez.

Ayon sa social worker na si Krystine Jimenez, itinuring ni Lopez na anak ang mga sinagip ng Bantay Bata.

Magkakaroon muli ng public viewing ng memorial service ni Lopez sa Agosto 23, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng madaling araw.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.