Ilang doktor dismayado sa di pagbalik ng Dengvaxia registration

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 07:55 PM | Updated as of Aug 22 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dismayado ang isang grupo ng mga doktor sa pagtanggi ng Department of Health na bigyan muli ng certificate of product registration ang dengue vaccine na Dengvaxia.

"Hindi ba tayo nakokonsensiya na inaalis natin 'yong isang paraan para mailigtas natin ang ating mga bata sa kamatayan o sa sakit ng dengue dahil sa isang technicality?" ani Dr. Lulu Bravo ng grupong Doctors for Truth and Public Welfare (DTPW).

Ibinasura nitong Huwebes ng DOH ang apela ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur para bigyan ulit ng certificate of product registration ang Dengvaxia.

Ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi isyu sa kaso ang bisa ng gamot kundi sa kabiguan ng Sanofi na magsumite ng mga dokumento.

"The efficacy of the Dengvaxia itself is not an issue in this case," ani Duque.

"Ito po ay ni-revoke dahil sa patuloy na paglabag doon po sa kondisyon... kinakailangang magsumite sila ng post-marketing surveillance report," paliwanag ni Duque.

Apat na dokumento ang dapat sana'y ipinasa ng Sanofi sa Food and Drug Administration (FDA), na magsisilbing mga ulat para malaman ang estado ng bakuna lalo at bago pa lang itong develop o gawa, pero 3 lang ang isinumite ng kompanya.

"Magsusumite sila sa FDA kapag may na-identify na change, safety update, risk update," ani Health Assistant Secretary Charade Grande.

Sa isang pahayag, sinabi ng Sanofi na bagaman hindi sila sang-ayon sa desisyon ng DOH, nagpapasalamat pa rin sila dahil malinaw na walang kinalaman ang bisa ng bakuna sa desisyon.

Pag-aaralan daw ng kompanya ang mga susunod na hakbang.

Binawi noong Pebrero ng FDA ang certificate of product registration ng Dengvaxia. Kasunod ito ng pagbunyag ng Sanofi na maaaring magdulot ang bakuna ng malubhang sintomas kapag ibinigay sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Nilinaw naman ni Duque na puwedeng mag-aplay ang Sanofi ng bagong certificate of registration.

Nagdeklara noong Agosto 6 ang DOH ng national dengue epidemic kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.