Emergency powers sa paglutas sa EDSA traffic, muling iginiit

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 05:32 PM | Updated as of Aug 22 2019 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling iginiit ngayong Huwebes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makatutulong sa paglutas ng problema sa trapiko sa EDSA ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang press conference, sinabi ni MMDA general manager Jojo Garcia na makatutulong ang emergency powers sa pagpapatupad ng mga patakarang layong maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.

"Of course with emergency powers, mas mapapabilis," sabi sa press conference ni MMDA general manager Jojo Garcia.

"Kung may emergency power, it depends what kind of emergency power, it will shorten some policy-making. Then if we can make some policies then we can enforce it," dagdag ni Garcia. 

Idinaing ni Garcia ang pagharang sa mga patakarang ginawa ng MMDA para masolusyonan ang problema sa trapiko, gaya ng pagpigil sa dry run ng provincial bus ban kasunod ng paglabas ng injunction order mula sa isang korte sa Quezon City.

"'Yong policy-making eh. Saan ka naman nakakita, dry run pa lang, may injunction na?" ani Garcia.

"May ipatutupad ka lang ng isang polisiya, magtaas lang ng fine, ang dami pang prosesong dadaanan," dagdag niya.

Binitiwan ni Garcia ang mga pahayag kasunod ng pagsabi ni Duterte sa isang talumpati noong Miyerkoles na hayaan na lang mabulok ang EDSA kung hindi siya mabibigyan ng emergency powers.

Ayon kay Garcia, hindi malayong mabulok ang EDSA gaya ng sabi ni Duterte kung hindi rin susunod ang mga motorista sa mga batas-trapiko. 

Pero tiniyak ni Garcia na hindi dahilan ang kawalan ng emergency powers para hindi gawin ng MMDA ang kanilang trabaho na malutas ang problema sa trapiko. 

"Kung hinihingi ng presidente natin, alam niya kung bakit, alam namin kung bakit. Kung hindi man i-grant, it is not a reason for us not to do our job," ani Garcia.

Sa kaniyang talumpati, binatikos din ni Duterte ang isang babaeng public official na umano'y humaharang para makakuha ng pondo ang gobyerno para matugunan ang problema ng trapiko sa EDSA.

Bagaman hindi pinangalanan ni Duterte ang opisyal, magugunitang dati nang sinisi ni Duterte si Sen. Grace Poe sa problema sa EDSA.

Si Poe ang namumuno sa Senate committee on public services na humahawak sa mga isyung may kinalaman sa trapiko at transportasyon. 

Sa kaniyang kauna-unahang State of the Nation Address noong 2016, humingi si Duterte sa Kongreso ng emergency powers para malutas ang problema sa trapiko.

Ang EDSA ay isa sa mga pangunahing kalsada sa Kamaynilaan. Binabaybay nito ang mga lungsod ng Caloocan, Quezon City, San Juan, Mandaluyong, Makati, at Pasay.

-- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.