Babaeng sinita sa traffic nag-amok, nanagasa ng motorsiklo ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 11:30 AM | Updated as of Aug 22 2019 11:40 AM

MAYNILA — Arestado ang isang babaeng motorista Miyerkoles ng gabi matapos siyang managasa nang sitahin sa kaniyang paglabag sa batas-trapiko.

Ayon sa ulat ng pulisya, sinita ng kapwa motorista ang babaeng driver dahil nabangga siya nito sa Makati City.

Hindi nakikipagtulungan ang babae kaya't nanghingi na ng tulong ang driver ng nabanggang kotse. 

Dumating sa lugar ng insidente si Police Staff Sgt. Alas Dujalo at hiningi ang driver's license ng babaeng driver pero imbes na ibigay, sumakay ito sa kaniyang kotse at tila tatakas.

Hinarangan ni Dujalo ang suspek gamit ang kaniyang motorsiklo pero hindi ito nagpapigil at sinagasaan ang pulis.

Dahil dito, inaresto ang babaeng driver na residente ng Parañaque City.

Patong-patong na kasong direct assault, disobedience to a person in authority, at malicious mischief ang isasampa sa kaniya. —Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.