2 miyembro ng Boratong group, patay sa Pasig buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 07:13 AM | Updated as of Aug 22 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Nasa P6.8 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ngayong Huwebes ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Pasig City na nauwi rin sa pagkamatay ng 2 suspek.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang mga suspek bilang sina Jalal Alamoden at Sampiano Rason, na mga miyembro umano ng Boratong group.

Ikinasa ang operasyon bandang alas-2 ng madaling araw sa isang gasolinahan sa kanto ng Felix Avenue at Kabayanihan Street, Barangay Dela Paz, ayon sa ulat ng NCRPO.

Binentahan umano ng mga suspek ang isang operatiba ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit, na nagpanggap na buyer, ng 2 plastic bag ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P450,000.

Pero naramdaman ng isa sa mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon at binaril ang operatiba, ayon sa NCRPO.

Sinubukan umanong tumakas ng mga suspek sakay ng motorsiklo. Nang habulin sila ng mga awtoridad, nagkaroon umano ng mga palitan ng putok hanggang sa mapatay ang 2 suspek.

Nakuha sa operasyon ang 1,000 gramo ng shabu na nagkakahalagang P6.8 milyon.

Nabatid sa imbestigasyon na ang 2 suspek ay miyembro ng grupo ni Amin Imam Boratong na kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison dahil sa pagpapatakbo ng shabu tiyangge sa Pasig. Nahuli si Amin noong 2006.

Patuloy raw ang operasyon ng grupo sa pamumuno ng pinsan ni Amin na si Acsaimin Boratong.

"Basically involved sila sa drugs but we cannot discount the possibility that they are involved in other activities like for example, gun-for-hire, dahil nga armado sila," sabi ni Eleazar.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa ibang miyembro ng grupo, ani Eleazar.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.