16 sugatan sa salpukan ng van, jeep sa Lapu-Lapu City

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 12:48 PM | Updated as of Aug 22 2019 12:49 PM

Sugatan ang 16 katao nang sumalpok ang isang tourist van at jeep sa lungsod na ito, Huwebes.

Ayon sa pulisya, bumabaybay ang jeep nang makasalubong ang van.

Nagtamo ng matinding sugat ang mga sumakay ng jeep, na pawang naglalaman ng mga empleyado ng Mactan Export Processing Zone.

Patungo namang Mactan Cebu International Airport ang van, na naglalaman ng walong Japanese nationals, kabilang ang drayber ng ospital.

Agad na pinalabas ng ospital ang mga dayuhan nang mabatid na hindi seryoso ang kanilang injury.

Pero naging pahirapan ang pagtanggal ng drayber ng van sa driver's seat matapos maipit sa aksidente.

Lumabas sa imbestigasyon ng Lapu-Lapu City Police Office Station 5 na nakaidlip ang drayber ng van at hindi na nakita ang nakasalubong na sasakyan.

Ayon sa investigator na si Corporal Melvin Diaz, posibleng sampahan ng kaso ang driver ng van ng reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties.

-- Ulat ni Leleth Rumeguera, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.