Umento sa sahod sa Cordillera, epektibo na

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2018 02:09 PM

Epektibo na simula nitong Lunes ang umento sa sahod ng mga sumusuweldo ng minimum wage sa Cordillera region.

Nasa P20 hanggang P30 ang dagdag-sahod sa mga manggagawa, depende sa lugar na pinapasukan, at sa dami ng empleyado ng kanilang kompanya. 

Dating naglalaro sa P285 hanggang P300 ang kada araw na minimum noon sa Baguio City pero naging P310 hanggang P320 na ito simula Agosto 20.

Ikinatuwa naman ito ng empleyadong si Ren Mamaril. 

"Iyung P20-P30 na dagdag, para sa fare and food allowance na rin," aniya. 

Ayon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), posible pa itong tumaas ulit kung magpapatuloy ang pagtaas ng mga bilihin.

"Halimbawa biglaan ang pagtaas ng bilihin o tataas pa, 'pag nakita natin na hindi panandalian ito, that may be a ground for issuing another wage order. Kailangang pag-aralan nang maigi ito bago maglabas ulit," ani Augusto Aquillo, board secretary ng RTWPB-Cordillera.

Pero para sa ibang maliliit na negosyo, hirap daw silang isipin kung saan kukunin ang idadagdag sa pasahod.

Taas-presyo o pagtanggal sa ilang empleyado raw ang nakikita nilang posibleng solusyon para hindi malugi.

Paalala naman ng RTWPB, maaaring dumulog sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa Baguio City kung sino man ang makararanas ng paglabag sa bagong minimum wage order.

Maaaring pagmultahin, kasuhan, at mawalan ng permit to operate ang mga kompanyang mapatutunayang hindi nagbibigay ng tamang halaga ng minimum na pasahod sa mga empleyado. —Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.