'Carnapper' patay sa engkuwentro sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2018 05:42 PM

Napatay noong umaga ng Linggo ang isang hinihinalang carnapper matapos makaengkuwentro ng pulisya sa Noveleta, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng biktimang si Darwin Encarnacion ang kalsada sa Barangay Poblacion lulan ng kaniyang motorsiklo nang bigla siyang harangin ng dalawang nakamotorsiklong salarin.

Nilapitan umano si Encarnacion ng angkas na kinilalang si Christian Abudi. Tinutukan siya nito ng baril at inagaw sa kaniya ang kaniyang motorsiklo.

Agad namang nakahingi ng tulong si Encarnacion sa mga pulis sa lugar, na humabol sa mga suspek.

Sa halip na sumuko, nagpaputok umano ang mga suspek sa mga pulis, dahilan para dumepensa at magpaputok din ang mga ito.

Isinugod pa sa ospital si Abudi matapos magtamo ng mga tama ng bala subalit idineklarang dead on arrival.

Nakatakas naman ang isa pang salarin na tumungo sa direksiyon ng Cavite City.

Ayon kay Senior Inspector Rosalino Panlaqui, hepe ng Noveleta police, may standing warrant of arrest para sa pagnanakaw si Abudi.

Pareho din umanong nakapiit ang mga magulang ni Abudi dahil sa magkaibang krimen.

—Ulat ni Bianca Dava ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.