2 dayuhang 'nakuhanan ng droga, nanuhol' sa Makati hostel timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2018 06:37 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:12 PM

Timbog ang 2 suspek na sina Abdulla Alhelo, isang Syrian national, at kasama niyang U.S. national na si Mohamed Seaud. Screenshot

Naaresto ang dalawang dayuhan matapos umanong makuhanan ng droga at magtangkang manuhol ng guwardiya sa isang hostel sa Makati City nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Nakuha umano ang isang sachet ng marijuana sa suspek na si Abdulla Alhelo, isang Syrian, matapos kapkapan ng guwardiya ng hostel nang mag-check-in sila ng kasamang U.S. national na si Mohamed Seaud.

Sinubukan pa umano ni Seaud na suhulan ang guwardiya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawa, na sinampahan ng kasong possession of illegal drugs at attempted bribery.

Pinaalalahanan naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Makati police ang mga establisimyento sa lungsod ukol sa mahigpit na kampanya kontra droga.

Ito ay matapos masamsam ang sari-saring droga sa isang high-end bar sa Barangay Poblacion sa parehong lungsod.

Sinuportahan din ni Makati Mayor Abigail Binay ang pulisya at sinabing magpapatupad sila ng "one-strike policy" laban sa mga establisimyentong mahuhuling may kaugnayan sa droga.

"Pag nahulihan po ng drugs sa establishment ninyo, isasara na kayo," ani Binay. —Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.